Tuesday, February 5, 2013

Ikot





Akala ko UP Ikot jeep nasakyan ko kanina. ‘Yun pala, time machine. Byaheng late 90s. Lakas maka-Fushigi Yugi at Ghost Fighter ng stereo ng drayber.

Tapos biglang sumingit ang nakaraan sa aking ulirat, mga araw na maliit na telebisyon ang aking kaharap hanggang tumiklop ang liwanag. Muling binaybay ng takip-silim ang langit ng halos dalawang dekada na ang nakalipas. Muling nagkaroon ng puwang ang kamusmusan. Natikman ko ulit ang manggang pasalubong ni tatay. Iba talaga ang lasa ng ala-ala.

Muling dumampi sa pisngi ko ang mga palad ni nanay. Magaspang pero magaan sa pakiramdam. Minsan, sadyang kalyo ng mga daliri ang may alam kung pano magmahal ang isang ina.

Noon ay may awiting gabi-gabing humehele sa akin sa papag, hanggang ang aking idlip ay mauwi sa mahimbing na tulog. At kinaumagaha'y ang amoy ng uling at sinaing ang unang babati sa aking pag-gising.

Tapos tumatakbo ako sa palayan. Kakatapos lang ng ani. Sumasabog ng gintong liwanag ang araw ngunit sumisipol ang hangin. Mataba ang lupa, umaapaw ng pangako. Mahigpit ang yakap ko sa mga libro.

Hindi ko namalayan, nakalampas ako. Pagbaba ko ng jeep, 2013 na.