"Tumble" by Sarah Harvey. Oil on canvas.
Siya’y bumaklas, subalit sa pansamantalang kalayaan ay nangarap ulit siyang maging bilanggo. Nakapulanggos man ay hirap siyang talikuran ang mundong kanyang kinagisnan, isang malawak na parang, isang kulungang walang rehas. Nakakalunod ang kalayaan. Sa pag-aakalang malawak ang dalampasigan, ititimon niya ang bangka sa maliit na lawa, umaasang malayo ang mararating. Pilit niyang sisipatin ang lalim ng tubig gamit ang mga matang kahapon lamang ay walang kinikilalang liwanag. Papalaot siya, hawak ang paniniwalang lahat ng mabigat ay maaari rin namang lumutang pansamantala bago pa tuluyang lumubog kasabay ng araw. Lilipas ang sandali, ang ilang oras. Magiging payapa ang gabi. Walang ingay, walang tunog maliban sa maliit na mga along dagling humahampas sa pisngi ng lupa. Patuloy na iihip ang hangin.
No comments:
Post a Comment
Please, don't be shy.