Untitled, by anonymous
Ngayo’y tikom na ang kanilang mga bibig. Ang mga labi na kahit pa nananatiling may pusyaw ng kulay ng dugo ay tuyo na at tuluyan nang isinara ng pangako ng paglimot. Nagwakas na ang pakikipagulayaw sa mga panaginip na minsa’y inialay sa bukang-liwayway. Ngunit hindi tulad ng pagsikat ng araw na naghahatid ng isang mapayapang simula, sadyang mapangahas ang bawat katapusan. Kahit pilit tinatapos ng tuldok ang isang mahabang trahedya, palagiang may patlang, may puwang sa kabilang dako, at ito’y hindi na mapupunan kailanman.
Kung nakakasilaw ang liwanag ng bukang-liwayway, marahil ay nasanay ang iyong mga mata sa dilim. Hindi ka handang makita ang sinag ng araw. Ang liwanag ay may hatid na pagasa ngunit hindi mo ito tanaw. Para sa'yo, isang kasinungalingan ang umaga. Ang mundo ay napapaligiran ng walang katapusang kadiliman ng kalawakan, at ang tanging ibinibigay ng mga bituin ay ang manakanakang kislap na balang araw ay tuluyan din na maglalaho.
2 comments:
napakaganda nito. napakamatalinghaga at napakamatulain. :)
Maraming salamat Aris!
Post a Comment